Patay sa Tari
- Onward Dominicans
- Aug 18
- 2 min read
ni Jennah B. Santos, Senior Opinion Staffer

Susugal ka ba, sa Pula o sa Puti?
Tila nakatahi ang bibig ng pangulo sa nagdaan niyang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 27, nagmistulang pipi patungkol sa House Bill No. 8389, o ang ‘Anti-Political Dynasty Bill’ sa kadahilanang hindi umano naihabol ng Senado ang panukala, ayon na rin sa tagapagsalita ng pangulo.
Katuwang ang mahigit 150 ‘co-authors,’ isinulong ng mga mambabatas ang panukalang akda, ang House Bill No. 8389 sa pangunguna ng Speaker ng mababang kapulungan at ng tumatayong majority leader.
Kalakip nito, ang naghuhumiyaw na 71 hanggang 82 ng lalawigan sa bansa na pinamumunuan pa rin ng mga naglalakihang angkan sa politika, batay sa datos ng Philippine Center for Investigative Journalism(PCIJ).
Bunsod nito, tila magpapahinog na lamang ang pangulo para sa aksyon. Magpapaantala kung kailan maisasalang sa bicameral conference committee ang panukalang batas.
Unang sultada, liyamado ang Pula!
Taglay sana ng "Anti-political dynasty bill" (sa anumang anyo nito) ang kumakandiling adhikain na ang bawat pagsada’y magbubunga ng katuturan at matatamasa ang kasiguraduhang pagkapanalo ng puti -- para man sa bayan, subalit sa sugal na paulit-ulit ang lagda ng kalaban, wari tayo’y nakikipaglaro sa sabong na walang pag-asang manalo.
Hindi na ako nabigla sa kawalang-kibo ng mga opisyal ng pamahalaan hinggil sa House Bill No. 8389. Bakit nga ba bubuklatin ng patriyaka ang tupada na siya’y kasangkot; ipatatalo niya ba ang laro ng sabong na maraming nakapusta dahil sa isa siyang kalahok?
Sa Puti, Dehado tayo!
Sa bawat karyo, paulit-ulit na apelyido ang siyang tumitindig, pero bakit tayo’y sumusugal pa rin? Sila lang ba ang hampas ng langit kung sa muli’t muling paglaban ng kanilang angkan tayo’y kumakasa rin?
”Binoto ko siya kasi maganda pamamalakad ng tatay niya,” madalas na tugon ng ilan sa mga street interviews. Tayo ang kusang sumusugal, talos na hindi tama pero patuloy sa pagtaya at pilit na nakikipagsapalaran sa lumang bakas.
Sa aking pananaw, maganda na sana ang mga pag-uusap hinggil sa pagpapasa (sa wakas) ng isang batas na tahasang nagbabawal sa mga dinastiya sa pulitika. Na matapos ang 39 na taon, tanaw na ang anti-political dynasty bill. Subalit tila atrasado na naman ang laban at maghihintay na naman tayong lahat sa kawalan. Tari mismo ng manok nilang panabong ang pumutol sa mga pagsusumikap na maipasa na ang panukalang batas.
Lagot na ba ang hiningi ng ating taya?
Na sa iyo ang kapalaran kung tataya ka sa sugal na walang kasiguraduhan. Sa larong unti-unting nabuburo ang mga mamamayang Pilipino, at ang apelyido ng mga trapo ang walang tigil na umuugong at patuloy na nananalo.
Sa iyong pagtaya, makastamba ka kaya?





Comments