Taas ng kuryen-teh!
- Onward Dominicans
- 5 days ago
- 2 min read
isang editoryal
Sa nakalipas na mga buwan, dama ng mga konsyumer ang bigat sa bulsa ng bawat konsumo ng kuryente na pumapatak ng ₱10.70 hanggang ₱19.30 kada kWh. Dala ng matinding init at pabago-bagong panahon, mas lalong napapadalas ang paggamit ng mga de-kuryenteng pampalamig kagaya ng aircon at electric fan na tinatayang nasa ₱14 kada kWh and dagdag sa konsumo.
Nitong ikalimang State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nanawagan siyang amyendahan ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) upang alisin ang system loss charges, kabilang ang kaakibat nitong value-added tax (VAT), na sinisingil sa mga konsyumer.

“Therefore, we the people request, no, we demand, for the immediate amendment of the EPIRA and to prohibit charging of system loss against consumers including the value added tax thereon,” saad ng Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.
Giit ng pangulo,napapanahon na upang pag-usapan ang pagtanggal sa nasabing singilin dahil nakadaragdag ito sa pasanin ng mga mamamayan.
“At kung pagbawas ng presyo ang usapan, sa aking palagay, panahon na para tanggalin na natin ang system loss na pinapasa sa konsyumer. Pinapasa ito sa konsyumer at kinakarga sa bill na pinapatungan pa ng value-added tax,” ani Pangulong Marcos sa kaniyang talumpati.
Maganda ang mungkahi ng pangulo. Mainam na tanggalin na ang tinatawag na “non-technical system loss” o yung nawawalang kuryente dahil sa mga iligal na koneskyon, pagnanakaw, sirang metro o maling pagbasa sa mga ito.
Nararapat itong tanggalin sapagkat sinasalo ng mga konsyumer ang abalang dala ng system loss o pagkawala ng kuryente habang ipinadadala mula sa mga power plant papunta sa mga tahanan at establisimyento. Isa na nga itong pabigat sa mga mamamayan na bumubutas sa kanilang mga pitaka.
Kasabay ng panawagan ng pangulo, nagpahayag din ng suporta ang Department of Energy (DOE) at ang Energy Regulatory Commission (ERC) upang mabawasan ang buwanang bayarin ng mga Pilipino. Hindi rin patas na bitbit ng mga konsyumer ang bunga ng system loss gayong isa lamang din sila sa apektado.
Kung sa non-technical system loss ang usapan, hindi ito pagkakamali ng mga lehitimong konsyumer at dapat na tugunan ng mga power distributor upang maiwasan ang mga ganitong pagkawala.
Kung hindi aaksyunan ang patuloy na pagtaas ng kuryente at pagsalo ng mga konsyumer sa system loss charges, hihilahin nito sa kahirapan ang maraming Pilipino. Sa bagal ng pag-akma ng sahod sa bilis ng pagtaas ng mga bilihin, imbis na pambili ng pagkain, napupunta pa sa kuryenteng nawawala ang panlaman sana ng sikmura.
Sa halip na electric fan, nauuwi sa pamaypay ang mga mamamayan, kahit gaano pa katirik ang araw, dahil sa taas ng gastusin at konsumo ng bawat appliances sa kuryente. Mag-iisang buwan na matapos ang SONA, wala pa ring nadaramang amyenda.
Alisin ang system loss charges at kaakibat nitong value-added tax. Itaas ang sahod ng mga mamamayan upang makasabay sila sa taas ng singil ng bawat serbisyo at produkto. Aksyunan ang amyenda at huwag hayaang manatili itong salita at panagawan.
###





Comments