ni Alexandra Reyes, Staffer ng OD
Mga salitang saling-dila, nagbunga’t naging ating pambansang wika.
Wikang Filipino na naging kasangkapan ng mga ninuno, bayani, at mga kapwa Pilipino, para sa kasiguraduhan ng hustisya at pagpapanatili ng kapayapaan, binigyang-parangal sa isang umagang puno ng kaluguran.
Sa pagbunyi ng mga Dominikano noong ika-isa ng Setyembre, nagpakitang gilas ang mga kalahok gamit ang kanilang mga talento. Mula sa pagtula hanggang sa pakikilahok sa hampas palayok, nanaig sa mga Dominikano ang sigasig ng isang Pilipino.
Itong araw na nilaan para sa pagpapayabong ng talento’t kultura, at dunong ng mga Dominikano sa importansya ng ating sariling wika; nabigyan din ng diin ng mga kalahok sa pagtula o spoken poetry man.
Mga taludtod na nagbibigay paliwanag sa kardinal na kahalagahan ng Wikang Filipino, hindi lamang sa pansariling kagamitan, ngunit pati na rin sa malawakang epekto nito sa ating bansa at pagkakakilanlan. Wika na itinuturing na daan para sa mga tradisyon at kaugaliang katangi tangi’t hindi malilimutan.
Mga lenggwaheng sumisimbolo sa kalayaang natamo sa paghihimagsik at sakripisyo, karunungang saklaw na ‘di makukulong sa iisang diyalekto, at ang wikang kaagapay sa pagiging edukado.
Ngunit sapat nga ba ang pagpaparangal na nagawa hindi lang sa ating wikang pambansa ngunit pati na rin sa mga rehiyunal na wika? Ginagamit ba itong kapantay nang sigasig at pagkadalubhasa sa wikang Ingles? Pakalimiin sanang mabuti. Sa paggunita sa Buwan ng Wika, imperatibong isaisip sa ating mga Pilipino na hindi lamang sa mga panahong ito dapat naipapakita ang likas nating pagkamausisa sa wikang salamin ng ating mayamang kultura.
Mapa-rehiyonal na dayalekto man iyan o akda ng mga tanyag nating manunulat, nararapat na bigyan nang masugid na atensyon at pagpapahalaga.
Hindi lamang dahil dapat tayong maging makabayan ngunit pati na rin sa kaalamang kaya ng ating pagmamahal sa wikang sinilangan na masugpo ang mga tukso ng kamangmangan.
Comentarios